Baliw! Tanga!

By Charlon Kim

isang mainit na haplos ang bumungad sa iyo. nagising ka at nasilaw. umaga na pala. nakamulat lamang ang iyong mumunting mga mata at hindi maiwasang mapatitig sa kisameng tila nalipasan na ng panahon. para bang mga ala-alang pilit mong binabalikbalikan. hindi mo maabot, at kailanma’y hindi na mababalikan.

tumayo ka at sinimulan ng linisin ang iyong hinigaan. sa palagay ko ay nasa wisyo ka na nga. lumabas ka ng kwarto at dahan-dahang bumaba sa kanilang hagdanan. kumakanta, humuhuni, at sumisipol na para bang kay saya.

sinimulan mo ang iyong araw na kay saya. walang pag-iimbot na ngumingiti sa hangin. tila isang baliw na di mawari kung bakit nakangisi.

halos lahat ng taong iyong makasalubong ay iyong binabati. mapakaibigan, kamag-anak, o estranghero. palakaibigan ka pala.

pumasok ka sa iyong klase. tahimik at masalimuot ang iyong dinatnan. tila ba nasakluban ng langit at lupa ang mga mukha ng iyong mga kaeskwela. masamang balita. isang surpresang trahedyang maituturing ang paparating. isang pagsusulit. nagsimulang nagdilim ang kapaligiran. kasama sa pagdilim, ay ang pagbagsak ng iyong mga mata. isang malungkot na pangyayari. kung inukol mo lang sana ang mga panahong pangiti-ngiti ka sa hangin sa pag-aaral. disin sana’y nakapasa ka sa iyong surpresang eksamin. tanga!

Mag-iwan ng Tugon