Archive for Marso 26th, 2008

It’s Complicated ™

Marso 26, 2008

“hindi ko na kailangang magpatumpik-tumpik pa. mahal kita. mahal mo ako. so, tayo na?”

sana nga ay ganyan lamang kadali ang makahanap ng taong magmamahal sa’yo habambuhay. kung hindi man habambuhay, kahit panandalian lamang. mapawi lang ang kalungkutan na iyong nararamdaman dahil sa pagkasawi mo sa pag-ibig. mahirap makahanap ng taong tunay na magmamahal sa iyo. lalo na kung ikaw ay nasa kalagayan ko. isa akong lalake na may puso na halong lalake’t babae. madalas ang itawag sa amin at bading, bakla, at binabae. pero lubos kong inilalayo ang sarili ko sa mga ito. dahil hindi naman ako halatang bakla. isa akong baklang astang lalake. sa ibang lenggwahe, discreet ang tawag sa amin, straight-acting kung baga. masaya naman ako sa buhay ko. mas maluwag, at mas nakakahinga na ako ngayon. hindi tulad noong itinatago ko pa ang aking tunay na kasarian sa nakararami. noong pebrero 11 lang ako nagtapat sa aking mga kaibigan. mahirap ito para sa kanila. pero di naglaon, naintindihan din nila ako. bilib ako sa sarili ko. nagawa ko kasing matanggap ang aking sarili bilang isang taong kabilang sa ikatlong kasarian.

marami rin ang bumabatikos sa akin. kung bading nga daw ba ako o hindi. hindi naman kasi halata. kumbaga parang isang maton na ‘pag hinalungkat mo ang katauhan, may bahid din pala.

ilang taon ko ng tinatanong ang ating Panginoon. bakit niya ako ginawang ganito. ilang taon ko rin pinilit ang sarili kong magkagusto sa babae. pero hindi ko talaga kaya. marahil ganito na nga talaga ako. pero ang ikinagugulo ng isip ko, ang pagiging bading daw ay ipinagbabawal ayon sa Bibliya. ngunit hindi ko naman ginusto ito. sa katunayan nga niyan, gusto ko talaga maging lalake. isang makisig at kinakikiligan ng mga babae.

marahil oras na rin ang makapagsasabi. oras na rin siguro ang sasagot sa aking mga katanungan. kailangan ko na lang siguro ang maghintay. maghintay sa mga sagot na tila walang makakaintindi.